Markus Adoro: post-reunion interview

Marcus talks about surfing in La Union, rehearsals for the reunion concert, Raimund’s hair and wig, playing for Ely, his kid crying because of joy, and a whole lot more! Article courtesy of Inquirer.net.

THE GUITARIST HANGS LOOSE: Marcus Adoro

By Gang Badoy
Philippine Daily Inquirer

MANILA, Philippines—Maraming nag-assume na ’yung pinakamahirap sa reunion na ‘to ay ‘yung unang rehearsal.

Ah oo! Hindi ko rin alam what to expect, napa-yosi nga ako nung narinig ko, “Andyan na si Ely.” Tapos pagdating niya, alam mo, ang gaan lang. Ang gaan. “Pare, kumusta.” Tinanong niya kami lahat. ‘Yun.

So, na-realize mo ba na, “Wow, na-miss ko ‘to!”

Hindi pa nga rehearsals, bago pa lang nun, excited na ako. Kasi siyempre bago mag-rehearsal kinailangan kong mag-review ng chords ng mga kanta namin noon. Siyempre habang tinutugtog ko, nagpa-flashback talaga ako. Excited talaga ako na makita si Ely, kasi hindi pa talaga kami nagkikita. Once lang kami nagkita, sa MYX awards, pero lasing na siya, lasing na rin ako, so nag ganun lang kami. (Nods) Alam mo, ’yung first practice para sa akin, ’yung ice breaker namin ay nagtatanungan lang ng mga suot naming sapatos, T-shirt, ganun. Nag-uusap naman kami eh. Nagkikita kami palagi nina Raymund at Buddy. Mga binyag, special occasions. Kasi may ‘sang tropa kami mula college pa talaga. Kami ni Ely ang hindi talaga nagkita nung six years. Hindi kami pinagtagpo ng tadhana (laughs). Nung nag-umpisa na ang rehearsals mismo, kalmado kami lahat, nakatutok kami sa kailangang gawin. Bago nga nun, nagkita pa kami ni Buddy para mag-practice. ‘Yung tipong, “Buds, paano nga ‘yung chords nito, hindi ko makapa eh.” (Laughs)

Aah, so nagkita kayo ni Buddy?

Oo pinuntahan ko siya sa bahay, nag-practice kaming dalawa. Inisa-isa namin lahat.

Ang unang nalaman ko tungkol sa ‘yo ay nagtuturo ka daw ng surfing sa La Union.

Oo, limang taon ako nag immerse sa surfing culture. Nung latter part ng ‘Heads, nahumaling na ako sa surfing. Nung nagpalit na kami ng singer, nung naging si Kris Dancel na, nagpaalam na rin ako kay Raymund, sabi ko sa kanya surfing muna ako.

So hindi tama ‘yung impression ng marami na tinakbuhan mo ang music…

Hindi! Pero yung music ko nung time na ‘yon, para sa akin lang, gumawa ako ng para sa akin. ‘Yun yung laman ng album ko ngayon, ‘yung Markus Highway. Pinahinog ko, kung baga. Pinahinog ko nang matagal na matagal.

Di ba sa banda laging may tinginan at konting usap-usap sa stage para ma-coordinate yung tinutugtog, gaano kahirap para sa ‘yo yung hindi kayo masyadong nagtitinginan?

Personally, para sa akin para ngang walang nangyari eh. ‘Andun ulit, kabit lahat. Nung una may mga linyang naiiwan. Nagkakatinginan, ‘yung tipong, “Oy, meron dapat do’n ’di ba?” May konting sabit-sabit. Lalo na ako. (laughs)

So hindi pala kayo gaanong natisod kahit gano’n.

Oo, kasi syempre warm-up pa lang naman yung first set eh. Pinaghandaan talaga namin ’yung second and third set. Tataas pa dapat talaga ‘yung energy dun eh. Kahit lahat tataas after the first set, ‘yung technicals, ‘yung nasa video wall, hindi pa ‘yun eh, wala pa ‘yon! Marami pa dapat mangyayari, kahit ‘yung fireworks…actually lahat!

So, gaano ka-stressful para sa ‘yo yung change in plans?

Konti lang sa akin ‘yung part na ‘yon. Ang kailangan talaga naming i-deliver ‘yung performance eh.

May theory na mas okey ang banda kung nagkakasundo lahat…

Magkasundo kami lahat. (Smiles then moves his mouth closer to the voice recorder) Okey na banda kami.

Nakakatuwa na iba-iba kayong mga sagot sa pare-pareho kong tanong…

Wala akong problema sa kanila. Baka ‘yun ang gusto kong sabihin, kasundo ko sila. Si Ely dinalaw ko kagabi. Magkasundo kami. Magkasundo kami ni Buddy. Magkasundo kami ni Raymund. Ewan ko sila. (laughs) Pero, Gang, hindi eh… maganda talaga yung vibes eh.

Paano kaya na maganda pa rin ‘yung vibes despite the six years na hindi kayo nagkasama-sama?
Dahil sa kanta. Kasi naka-angkla kami sa kanta. Kasi kung bad vibes ka, sasabit ka. Para sa akin, pag nagpeperform ka tapos nag-iisip ka ng iba, doon ka sasabit. ‘Pag iniisip mo na masama kunwari ang ka-banda mo, doon ka magkakamali.

May mga taong hindi masyadong aware na hindi kayo ma-salita during gigs.

Ako ‘yung tahimik, usually. ’Yun ang trabaho ko, “Tumahimik ka dyan, Marcus.” (laughs) Ako madaldal ako ‘pag ako ‘yung frontman. So siguro si Ely ‘yon. Pero dati may instances na planado lahat. Dito ako magsasalita, tapos diyan si Buddy, tapos palitan kami ng sasabihin…meron din namang ganoon dati. Nagka-time…

Sinabi ko rin ‘to kay Raims eh, na halos lahat sa inyo may trademark na look sa respective bands ninyo kaya na-curious talaga ako kung nag-usap man lang ba kayo tungkol sa susuotin ninyo during the reunion.
Sinuggest ko actually na mag usap-usap ‘yung mga “stylist” namin. Siguro ‘yung mga girlfriends namin. Kami ni Buddy nag-coordinate naman kami kasi kami ‘yung magkabilaan sa stage eh. “Basta ‘wag ka magpuputi.” Sabi nya kasi magpuputi daw siya, so nag-pula ako at saka itim. So, may konti naman din kaming coordination. Hindi naman kami nagpakitaan ng wardrobe. (laughs)

Sabi ni Raimund kasi wala namang ganun-ganun sa ’Heads, ‘yung coordination ng wardrobe talaga. Show up as you are talaga.

Hoooooo, siya nga yung pinaka-conscious diyan eh! (laughs) Nag-kulay pa ng buhok, nag-wig pa. Sabi nga niya sa ‘kin sa rehearsals mag-so-shorts lang daw siya saka hubad eh. (laughs) Pero, hindi…syempre si Raymund ‘yon eh.

Nung time na magulo noon, gaano ka ka-apektado?

Hindi ko pinatulan. During the past five years, nagka-chance din naman ako pumatol, pero ayokong sayangin ang energy ko doon. Hindi ko na ginatungan ‘yung apoy kumbaga. Hindi ako nag-labas sa Internet o press release. Okey lang sa ‘kin. Kasi chismis nila ‘yon dito eh. Nung nasa La Union ako, nasa surfing culture ako eh. May sarili kaming mundo doon eh, may sarili kaming superstars…

Ni minsan ba hindi ka nagkaroon ng need to explain things or at least air your side?
Isa yon sa rason kung bakit ako umalis dito. Marami akong rason, pero isa yon. Tuwing pupunta na lang ako ng bar, “Pare, bakit kayo naghiwalay?! Pare bakit ganito, bakit ganon.” Eh hindi ko naman masasagot ’yon nang ako lang eh. Apat kaming dapat sumagot nun.

So napagod ka rin.

Oo, so sabi ko mag su-surf na nga lang ako. Hanggang dun pa rin sa surfing minsan nga maski sa dagat, may mag-pa-paddle na surfer sa tabi ko (gestures paddling) tapos sasabihin, “Pare, ba’t kayo naghiwalay?!” Matatawa na lang ako tapos sasabihin ko sa kaniya, “Ayan na ’yung alon, o!”

Meron ka bang isang moment nung concert na hindi mo makakalimutan?

P**a, hindi lang isang moment. Lahat. ‘Yung crowd, ‘yung turn-out. ‘Yung suporta sa Internet. ‘Yung tao na kung saan-saang lupalop pa nanggaling para lang manood. ‘Yung production, ‘yung stage design, ’yung logistics ng lahat. Parang, ang galing. ‘Yun ang concert.

Wala ka gaanong moment-memory na nag stand-out talaga?

Actually, ‘yung anak ko. (laughs) Umiiyak siya, buong concert! Masayang moment ’yon, basta. Cute ‘yung moment. May mga picture kasi siya nguma-ngawa. Ano ba ‘yung sagot ni Raymund?

’Yung countdown.

Ay, siguro sa akin isang moment doon, ‘yung moment ni Ely. Nung ano… ‘yon. Siguro sa akin, ‘yun ‘yon.

Nasaan ka nung nalaman mo na na-ospital na sya?

Nasa dressing room ako, nag re-ready na ako for next set, palit ng costume. Kausap ko ’yung tech kasi sabay nagloko ’yung mga digital effects namin ni Buddy. Apparently may pumutok na something sa baba.

So, imposible nga ba talaga na magbalikan?

Napaka-aga pa para matanong ‘yan. Ang focus ngayon ‘yung health ni Ely. Kasi nag reconnect kami as friends. Gusto ko siyang tulungan sa aspetong yon.

Sa recovery?

Oo. Natuwa ako kasi nag reconnect talaga kami. Nung binisita ko nga siya, maski sa vibe, sa tinginan. Basta, basta, Masaya ako.

Teka, so tingin mo ba gumaling kayo?

Oo, gumaling. Ako gumaling konti. (laughs)

Marami sa musicians na nakakasama natin sa Rock Ed maingat na maingat magtanong tungkol sa ’Heads.

Halos ayaw pag-usapan nga eh tuwing nagtatanong ako dati.

Meron mga unspoken things na hindi na siguro kailangang pag usapan ulit. ’Yung nangyari nung huli… wala na ‘yon. Normal naman ‘yon sa banda eh. Sabi nga ni Ely, normal ‘yung nangyari sa ‘min eh…. Normal lang ‘yon.

So, was it “just a concert” to you?

Of course hindi ‘no! Yung magnitude nung event, siyempre alam namin kung gaano kalaki ‘yon. Ganoon kalaki ‘yung stage, ‘yung laki nung screen, sabi ko, ‘ba! totohanan na ‘to ah. Iba, iba talaga.

So that night, who did you play for?

Well, that night, siyempre nakikita ko ermats ko do’n, so ayokong sumabit as much as possible. Siyempre para din sa… kanino man… (laughs) Actually, gusto kong mapasaya si Ely.

Did it feel like old times?

Oo, pero mas kalmado na kami ngayon. Madaming bull**it na nawala. Mga maliliit na bagay wala na. Dati ang daming iniintindi eh. Ngayon, music lang ang focus.

Na o-offend ka ba pag may nagsasabi na ginawa ninyo lang to “for the money”?

O eh ano ngayon! (laughs) Well, there’s money. More money, more art. (laughs)

Ha ha, ngayon ko lang narinig yun ah.

That’s from me. Original.

May nagsabi na nung tumugtog kayo sa Saguijo after ng concert insensitive daw ’yon kay Ely dahil nga nasa ospital na siya…

Hindi! Hindi… ako kasi, hindi ako juma-jam sa Cambio, kahit noon pa. My reason being, two ’Heads and three guitarists should be enough, man, hindi mo na ako kailangan doon. Plus pumunta ako doon kasi ang taas ng energy ko, tapos nalaman na namin na okey na si Ely, hindi rin ako makakatulog. Ayoko rin bumalik sa hotel, ang boring naman, ano’ng gagawin ko doon? So naghanap kami ng matatambayan. Nalaman namin na maraming nandun, so pumunta kami. Tapos tumutugtog ‘yung Cambio, tapos maya-maya may tatlong tao nang sumundo sa ‘kin, pinapatawag daw ako ni Raymund, jam daw. So tumugtog ako, masaya naman. Hindi yon dahil insensitive kami. Hindi yon ganon.

So, when Ely bounces back to a steady health state, basta may medical clearance na, reunion ulit?
Oo, ba’t hindi? Pag umo-o ’yung tatlo, bakit ako hihindi?

Oo nga naman.

Saka bitin din ako eh.

Read interview with Raimund Marasigan.

Read interview with Buddy Zabala.

One Reply to “Markus Adoro: post-reunion interview”

  1. Pingback: Ben Alegre =.) Online » Blog Archive » Raimund Marasigan: Post-reunion interview